Monday, January 21, 2008

Nasirang Pangako


Maganda ang panahon pero hindi ko maramdaman ang kagandahan nito. Wala naman akong dapat ikalungkot bukod sa alaala ng isang taong lumisan may kung ilang buwan na ang nakakaraan.
Sabagay, wala namang kasalanan si Lyndon dahil doon na sila titira ng pamilya niya at alam kong wala siyang ibang pagpipilian. Masaya na ako sa naging usapan namin bago siya umalis at sa dalawang regalo niya – isang pares ng love birds.
Hindi naman talaga naging kami ni Lyndon. Nagkaroon lang kami ng ‘pagkakaintindihan’. Kung tutuusin, sandali nga lang ang ‘pagkakaintindihan’ na ‘yon dahil umalis din siya pagkatapos ng isang taon.
Malambing siya kahit na bihira sa mga lalaki ang malambing. Magiliw sa ibang tao kahit hindi kilala. Nakasama ko lang siya sa isang proyekto noong Foundation week at doon na nagsimula ang lahat. Nakakatuwa rin ang pagiging maginoo at matapang niyang lalaki. Hindi siya umurong nang sinabi kong kailangan niyang humarap sa mga magulang ko.
“Bakit hindi? Wala naman akong masamang intensyon kaya pupunta ako…”
Wala namang itinutol ang mga magulang ko dahil kilala nila ako, hindi ako basta-basta nakikipag-relasyon. Bukas rin ako sa kanila kaya mahirap maglihim ng matagal. Simple lang naman ang kundisyon, ipagpapaalam niya ako tuwing lalabas kami.
Kung hindi lang siguro siya umalis, malamang sinagot ko na siya. Siyempre ayoko naman magkaroon ng nobyong parating wala sa tabi ko. Kaya bago siya umalis, nagusap kami at gumawa ng isang tipan na hindi kami titingin sa iba. Malaki ang tiwala ko sa kaniyang salita kaya hanggang ngayon, pinanghahawakan ko ang pangakong iyon.
Wala namang bago ngayong araw. Pagpasok ko nga lang ay sinalubong ako ni Riza, ang matalik kong kaibigan.
“Samahan mo naman ako mamaya, magsimba tayo,puwede ba?” tanong ni Riza.
“Oo ba. Pero teka, ano bang meron at magsisimba ka? Hindi naman Linggo ah.”
“Wala lang… ang totoo nalulungkot ako dahil ika-labindalawang tanong anibersaryo ng pagkamatay ng tatay ko ngayon. Pero ‘wag na natin pag-usapan iyon. Basta magsimba na lang tayo.”
Kahit na hindi naman ako nagsisimba kapag karaniwang araw ay pumayag na rin ako. Kawawa naman ang kaibigan ko, Kapag ako naman ang nalulungkot, si Riza lang din naman ang natatakbuhan ko.
Sandali lang ang misa kapag karaniwang araw pero nakakapagtakang naluha ako nang magkomunyon na. Hindi dahil sa antok kundi sa kakaibang lungkot na hindi ko maintindihan ang dahilan. Kahit si Riza ay nagtaka dahil wala namang direktang dahilan ang pag-iyak ko.
Katulad ng nakagawian ko na pag-uwi, hinanap ko ang dalawang lovebirds na iniwan ni Lyndon. Eksaktong siyam na buwan na simula noong umalis siya. Naroon at naghahanap ng pagkain sa kanilang lalagyan ang isa. Pilit kong hinanap ang ikalawa subalit bigo ako. Doon dumating ang aking ina.
“Namatay ‘yung isa kaninang tanghali. Napansin naming lulugo-lugo kanina pag-alis mo at ayaw kumain. Hayun, natuluyan na noong magtanghalian kami,” kuwento ng nanay ko.
Kaya siguro naluha ako kanina. Doon lang nakumpleto ang kakulangan ng lungkot na kanina ko pa nararamdaman. Binalak kong ipaalam ito kay Lyndon kaya binuksan ko ang computer at sinubukang kumunekta sa Yahoo Messenger. Hindi siya online kaya nagpasya na lang akong ikuwento ito gamit ang e-mail
May mensahe na pala siya, nitong umaga lang niya ipinadala. Binuksan ko iyon at saka pinagsisihan ang lahat. Sinabi niya sa aking kalimutan ko na siya, na hindi na niya kayang tuparin ang aming tipanan, na nakahanap na siya ng bago sa kinaroroonan niya.
Tuluyang dumaloy ang mga luha sa aking mga pisngi habang inililibing ko ang lalaking ibong namatay kani-kanina lang.

5 comments:

Heco said...

Wahaha!

Dear Hiraya said...

ayun nabuksan ko rin...

http://hiraya.co.nr

Rcyan said...

Hoy! John Paul Genove! Ang sakit sa mata ng kulay ng font na ginamit mo!!! Ayaw mo bang palitan 'to? Kahit konti lang... Pero ayos lang naman 'yung story mo. JP na JP! Grabe, pare, bisita ka naman sa blog ko. Ano ba namang klase kayong mga tao? Ni hindi n'yo man lang ina-update ang mga blog n'yo! Sige... [I.N.J. (^-^)]

Birdie said...

kuya jp..hahaha..si birdie t0h..uu nga noh ana aldama,,hehehe

Somnolent Dyarista said...

ito yung sinasabi ni francis na bading ang gumawa right????
hehehe