Saturday, April 28, 2012

Kaldereta, Speech at Contentment

Note: This blog post is inspired by a dish (cooked by me), a graduation speech and thoughts that never left my tiny brain.

“Do not spoil what you have by desiring what you have not; remember that what you now have was once among the things you only hoped for.”
- Epicurus

Masaya lang ako. Masaya ako dahil sa maraming bagay. Dahil sa alam kong kaya akong patawarin ng mga tao kahit paulit-ulit akong magkamali. Dahil naniniwala na ulit ako sa tadhana. Dahil kay Lourd De Veyra na naghatid ng mahusay na graduation speech sa UP Masscom. Dahil kalderetang baka ang ulam at masarap ito (at ako talaga ang nagluto).

Kuntento. Contentment. Sabi sa dictionary:

Content
adj
1. mentally or emotionally satisfied with things as they are
2. assenting to or willing to accept circumstances, a proposed course of action, etc


Naisipan ko magluto ng kaldereta ngayon. Akala ko kasi dadating 'yung pinsan ko. 'Yung paborito kong pinsan. At dahil ang mga pinsan ang unang "bestfriend" natin, gusto ko masarap ang ulam niya. 

Bumili ako ng tomato paste, naisip ko masarap pag may carrots kaya bumili ako, naisip ko rin na wala pala akong bellpeper na nabili, bili ako. Magsisimula na sana ako maghiwa ng kung anu-ano nang maisip ko na wala akong keso. Oo, lumabas ako at bumili. Saka ko lang napagtanto na wala akong liver spread. Sais pesos na lang ang nasa kamay ko at nagaalangan na kong makakahanap pa ko ng pangdagdag. Pero hindi ako sumuko. Nilikom ko lahat ng mamisong nagkalat sa sala namin at sa wakas, nakaipon ako ng 18php. Duda akong sapat na iyon pero lumakad na ko. 20php ang isa at kahit nakakahiya, inutang ko na muna ung dos. Kailangan ko pa magluto kaya ndi na 'ko nagatubili. Pumayag naman ung nagbabantay eh.

Natapos ako magluto, saka ko nalaman na hindi na pupunta ang pinsan ko. Ansaya 'di ba. Oo nga pala, hanggang ngayon may utang pa rin akong dos sa tindahan.

Syempre badtrip ako, bakit pa ko nagluto? Kaso dumating ang tatay ko, kumain. Pagkatapos ng 3 araw naming cold war, kumain siya at sinaid ang sinandok na ulam. Nakatingin ako habang ansarap ng kain niya. (Mayabang ako. Blog ko 'to, bakit... 'Dun ka magyabang sa blog mo...)

Dun lang ako nakuntento. Oo nakuntento ako pagkatapos ng isang buwan at labingpitong araw. Bakit? Nakitaan ko ng pagtanggap ang tatay ko... 'Yung tao na akala ko bato...At bakit ako nakuntento??? Simple lang, nakabalik na ako sa dati kong sarili. Ang pokus, naibalik na sa dati nitong kinalalagyan.

Tinamaan ako kay Epicurus. Ang mga bagay na mayroon ako ngayon ay ang mga bagay na hinangad ko noon. Na kung hindi kaya, huwag ng magasam pa ng iba.

Minsan daw nagtanong ang estudyanteng henyo sa gurong henyo, si Plato kay Socrates:

Plato asked Socrates:"What is happiness?"
Socrates said:" I ask you to across the field and pick a flowers which is the most beautiful, but there is a rule that you can't go back and you can pick only one."
So Plato began to do this. After long time, he came back and held the most beautiful flower.
Socrates asked him:"Is this the most beautiful flower?"
Plato said:"When I crossed the field, I saw this beautiful flower and I picked it up and recognizing that it is the most beautiful one, while I saw many other beautiful flowers later, but I still insist on this one is the most beautiful one so I took it back."

Kuntento. Para sa'ken, kuntento lang ako hangga't kaya kong manatiling nakapokus. Habang umiindak sa sayaw ng buhay at nakikinig sa tugtog na tinatawag nilang tadhana. Madalas kasi, sabi nga ni Lourd, nakakalimutan natin ang orihinal na pakay natin... Andaming nakakapukaw ng atensyon natin at sa sobrang dami ng gusto natin, nawawala talaga kung ano talaga ang gusto natin. Ang masaklap pa, pag naalala na natin 'yung original plan, huli na ang lahat.

Sabi nga sa isang parte ng speech ni pareng Lourd na kinuha sa isang tula:

Nasalpok ko tuloy,nasalpok ng isang paa,
ang isang tambak ng
taeng-kalabaw sa daan:
paglakad sa lansangan,
nakatingin sa bituin.
Santambak na kumalat
sa kalsada’t paa ko,
paalala ng lupa
na paa’y nakatapak
paglakad sa lansangan,
nakatingin sa bituin.

Madami rin akong gusto. Pero sa ngayon, isa lang ang gusto ko. Maibalik ang tiwala ng mga taong TOTOONG naniniwala sa akin. 'Yung mga taong handang tanggapin ako, anumang kasalanan at kamalian ang gawin ko. Tadhana, nagluto ako para sa pinsan ko, dumating ang tatay ko at nagustuhan ang niluto ko. Kung hindi ako nagluto, hindi ako makukuntento (kahit na ilang beses ako lumabas para bumili ng kung anu-ano).

Kuntento na sana ako pero bilang panapos, dahil gaya-gaya ako, isang tula rin ang ibabahagi ko. Isa sa mga unang tula na inintindi ko at nagmulat sa aking mga mata. 

"Ang Guryon"
ni Ildefonso Santos
 
Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.
 
Saka pag sumimoy ang hangin , ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
 
Ibigin mo't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.
 
At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
 
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob!


Ito na ata ang pinakamahabang blog post ko... At kung hindi ka nag-enjoy sa pagbasa nito, sumayaw ka na lang..:D

No comments: